Hindi ko matinag ang lahat

Sa buhay nga naman walang kasiguraduhan. Bukas o makawala magugulat ka na lang na wala na pala ang bagay na mahalaga sa’yo. Kung ngayon ay nagpapakasasa ka pa sa kasaganahang mayroon ka, pwes, sa susunod maaari na itong mawala sa iyo na parang isang pitik lamang ng iyong mga daliri o maging ng pagkurap ng iyong mga mata.

Sa totoo lang, kinakabahan ako para sa kinabukasan ko at ng aking pamilya. Inaamin kong hindi maganda ang lagay ng aming pamilya ngayon sa aspetong pinansyal nito. Hindi ‘buo’ at malinaw ang lahat ng bagay. Mukhang malabong mangyari ang aming nga balakin sa buhay. Hindi ko alam kung paano humantong ang lahat ng ito sa ganoong kalalang sitwasyon. Mahirap magbahagi ng aking kwento ukol dito. Mahirap nang mabahiran pa ng ibang kulay ang sarili kong bersyon ng mga pangyayari. Hindi ko lang talaga alam ang gagawin ko sa pagkakataong ito. Nababalisa, sa maikling salita. Ano bang dapat gawin, magdasal? magnovena kay st. jude, magtrabaho, ano? Hay ewan, ewan!

Naguguluhan man at hindi mapakali, mulat naman ako sa tunay na nangyayari kahit na ang tunay ko nararamdaman talaga ay pagkamanhid sa mga bagay-bagay. Manhid sa paraang ayaw ko nang pabigatin pa ang lahat. Bahala na si Batman. Para kasi akong nakalutang at makikitang nakatulala sa hangin sa tuwing naiisip ko ang mga problema. Ni walang pagkakunot ng noo o sinyales ng pagka-irita ang mababakas sa mukha ko, sa totoo lang. Mas nagagawa ko pa ring gawing blangko ang reaksyon sa aking mukha. Madalas man kasi, pinaalalahanan ko na ang aking sarili na maging matibay sa kung anumang unos ang darating sa aking buhay inaasahan man ito o hindi. Kung sakali mang darating ang pinakamatinding dagok ng aking buhay, iniisip kong nakatakda namang siyang mangyari, dapat ko lang itong tanggapin at harapin ng buong loob.

Ah basta, nabablangko na talaga ako. Hindi ko na alam ang sasabihin ko.

Nais ko lng i-share, na may 96% katotohanan ang pagiging swerte sa pera kapag ikaw ay malas sa buhay pag-ibig. Hahaha. Nanalo ako sa lottery. Apat na numero lang naman ang napanalunan ko. Sayang 2 na lang milyonaryo na ako! wahahahahaha…

Leave a comment